Mga kandidatong gumagamit ng “wang-wang”, huwag iboto – PNP-HPG

Manila, Philippines – Nanawagan ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa mga botante na huwag iboto ang mga kandidatong gumagamit ng wang-wang.

Ayon kay HPG Director Chief Superintendent Roberto Fajardo, maaaring isumbong sa kanila ang mga kandidatong gagamit ng wang-wang at blinker sa pangangampaniya.

Aniya, maaari itong kunan ng larawan o video ang mga lalabag at ipadala sa kanilang official Facebook page.


Giit pa ni Fajardo, mahaharap sa parusa ang mga kandidatong mahuhuling gumagamit ng sirena at blinker.

Aniya, agad nilang babaklasin ang mga wang-wang na makikita nila sa mga sasakyan ng mga kandidato.

Kung papalag naman aniya ang kandidato ay ipapa-impound nila ang sasakyan nito.

Kasabay nito, nagbabala naman si Fajardo sa mga pulis na raraket bilang security escort ng mga kandidato na kakasuhan at aalisan ng inisyung motorsiklo.

Facebook Comments