Inihayag ni Mayor Isko Moreno na hindi na dapat iboto ng publiko ang isang kandidato na walang plano na dumalo sa itinakdang mga debate.
Ito ang sinabi ng alkalde nang tanungin kung sakaling maging ordinaryong botante at hindi naging kandidato.
Ipinaliwanag ni Mayor Isko na may karapatan ang publiko na malaman ang sagot o ang mga plano gayundin ang mga plataporma ng kandidato.
Paraan na rin sana ito para masagot ang ilang mga isyu kung mayroon man kinasasangkutan ang isang kandidato.
Pinasaringan din ni Mayor Isko ang paggamit ng isang kandidato ng salitang unity o pagkakaisa.
Aniya, maganda ang pagkakaroon ng pagkakaisa at naniniwala siya sa kahulugan nito pero hindi raw ito makakaresolba ng gutom na nararanasan ng tao.
Iginiit ng alkalde na hindi makakakain ng salitang pagkakaisa ang bawat Pilipino kung kaya’t mas maigi na magkaroon ng programa o mga hakbang para sa kapakanan ng bawat Pilipino.