MGA KANDIDATONG KALAHOK SA 2022 LOCAL ELECTIONS SA CAUAYAN CITY, PINAGSUSUMITE NA NG SOCE

Cauayan City, Isabela- Nananawagan ang Commission on Elections o COMELEC Cauayan City sa lahat ng mga kandidatong lumahok sa 2022 local elections na magsumite na ng SOCE o Statement of Contributions and Expenditures.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Acting Election Officer Atty. Jerbee Cortez, pinapaalalahan nito ang lahat ng mga tumakbo sa local positions dito sa Lungsod ng Cauayan, nanalo man o natalo na kailangan nang magsumite ng SOCE report o halaga ng mga nagastos sa pangangampanya.

Sa pagbibigay ng SOCE, dapat nakalista ng isa-isa ang bawat kontribusyon at nagastos ng kandidato na mag kaugnayan sa eleksyon. Kailangan din na hard copy, notaryado at soft copy ng Excel file ang ibibigay na SOCE.

Kanyang sinabi na hindi makakapag oath ang mga nanalong kandidato kung wala pang isinumiteng halaga ng mga nagastos. Bukod dito ay maaari ring magmulta, madisqualified o mapatawan ng perpetual disqualification to hold public office at hindi na makakatakbo sa susunod na eleksyon ang sinumang kandidato na hindi magbibigay ng datos ng mga halaga ng nagastos sa pangangampanya.

Sa ngayon ay wala pang natatanggap ang COMELEC Cauayan na SOCE report mula sa mga tumakbong kandidato sa Lungsod ng Cauayan matapos ang May 9 elections.

Kung may makapag submit naman ng SOCE ay susuriin ito ng Campaign Finance Office ng COMELEC para makita kung lumagpas ang mga kandidato sa limistasyon ng halaga ng dapat nilang gastos sa kampanya.

Hanggang June 8, 2022 lamang ang ibinigay na palugit para sa pagco-comply ng mga kalahok sa katatapos na eleksyon.

Facebook Comments