Mga kandidatong magpopositibo sa droga, ikukulong ng anim na buwan sa rehab center ayon sa PNP

Isasailalim sa anim na buwang rehabilitasyon ang mga kandidatong magpopositibo sa iligal na droga.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos, batay ito sa nakasaad na parusa para sa first-time offenders sa Section 15 ng Republic Act 9165, o ang Dangerous Drugs Act of 2002.

Pero nilinaw ng PNP chief na sa ngayon ay hindi mandatory ang drug test para sa mga kandidato sa eleksyon at walang kapangyarihan ang PNP na pwersahin ang mga ito na magpa-drug test.


Aniya, suportado nila ang mandatory drug testing ng mga kandidato, ngunit ang Commission on Elections (Comelec) ang magdedesiyon para dito.

Sa ngayon, handa aniya ang PNP Forensic Group na magsagawa ng drug testing sa mga kandidatong boluntaryong magpapa-drug test para patunayan na sila ay drug-free.

Kahapon ay nagpa-drug test sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sina presidential aspirant Senator Panfilo Lacson at vice president aspirant na si Senator Vicente Sotto III.

Matatandaang sinabi ng pangulo na may presidential aspirant na gumagamit ng cocaine pero hindi niya ito pinangalanan.

Facebook Comments