Desidido ang Commission on Elections (Comelec) na maghain ng disqualification case laban sa mga kandidato na nasa likod ng biglaang pagtaas ng bilang ng mga botante.
Partikular sa mga barangay na halos dumoble ang bilang ng mga nagparehistro at nagpa-transfer para makaboto sa isang lungsod.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, batid nila na hindi basta-basta matatanggal ang pangalan ng mga botante dahil tanging korte ang may desisyon nito pero handa silang ipadiskwalipika ang kandidato na sangkot dito.
Giit ni Garcia, ginagawang katawa-tawa ng mga kandidato ang proseso ng pagpaparehistro kung saan sila pa mismo ang nagbibigay ng barangay certifications.
Aniya, hihintayin na lamang nila ang resulta ng imbestigasyon ng binuong task force ng Comelec.
Matatandaan na sa datos na inilabas nitong nakaraang buwan, biglang tumaas ang bilang ng mga nagparehsitro sa ilang lungsod at lalawigan partikular sa San Juan City, Makati City, Batangas, Cabanatuan City, Nueva Ecija, Cagayan de Oro, at Tawi-tawi.