Sisingilin ng Commission on Elections o Comelec ang mga kandidato na sobra-sobra ang mga campaign advertisement sa social media.
Pero ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez sa ngayon ay hindi muna nila maaaksyunan ang mga naturang pulitiko at sa halip ay gagawin nila ito pagkatapos ng halalan sa Mayo 13.
Aniya, hahayaan muna nila ang mga kandidato na gawin ang gusto nilang pamamaraan ng pangangampanya gamit ang internet.
Ipinunto pa ng opisyal na hindi naman nila trabaho na minu-minutong paalalahanan ang mga kandidato sa kung ano ang kanilang dapat gawin dahil alam naman ng mga ito ang ipinagbabawal at hindi.
Kaugnay nito, sinabi ni Jimenez na patuloy pa rin ang kanilang monitoring sa mga kandidato lalo at sabay na nangangampanya ang mga local at national candidates.
Pinaalalahan din nito ang mga botante na i-report sa kanilang tanggapan kung ano ang mga iregularidad sa pangangampanya ng mga kandidato.