MGA KAPATID NA MUSLIM, HANDA NA SA PAGBOTO

Cauayan City, Isabela- Handa nang bumoto ang ating mga kapatid na Muslim sa Lungsod ng Cauayan para sa 2022 National and Local elections.

Ayon kay Anwar Cabugatan, Presidente ng Cauayan City Muslim Center, bagamat anim na araw nalang ay araw na ng eleksyon ay handa na ang kanilang sarili para ihalal ang kanilang mga napupusuan.

Tinatayang nasa mahigit apat na raang botante na kapatid na Muslim ang inaasahang boboto sa May 9 kung saan sinabi ni Cabugatan na ang kanilang napiling iboto ay yung alam nilang makakatulong sa mga Muslim at sa lahat ng sambayanang Pilipino.

Iwas din aniya sila sa mga kandidatong kurap at may mga negatibong isyu.

Nilinaw naman ni Cabugatan na walang iniindorsong Presidente o kandidato ang Muslim Community dahil may karapatan aniya ang bawat isa na pumili ng kanilang gustong ihalal.

Pero, payo lamang nito sa mga bobotong kapatid na Muslim na piliin lamang ang mga taong may prinsipyo at makakapagsusulong ng malaking pagbabago sa bansa.

Facebook Comments