Mga karangyaan na galing sa katiwalian, dapat kasuklaman —CBCP President

Hinimok ng opisyal ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang mga mamamayan na kasuklaman ang mga hayagang paglalantad ng mga karangyaan na galing naman sa tiwaling paraan.

Ayon kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, na siya ring pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, hindi lamang katawan ang puwedeng ilantad nang mahalay dahil maituturing ding mahalay ang mga biglang yaman mula sa korapsyon na ginagawa pang huwaran ng tagumpay.

Tinukoy niya rin ang isang panayam sa mag-asawang kontratista na ipinagmamalaki ang kanilang mansyon at mga luxury car na mula raw sa katas sa kontrata sa DPWH.

Binanggit din ng kardinal ang isyu ng pagpo-post ng mga kaanak ng politiko na tila iniyayabang ang kanilang mga magarbong pagkain.

Ayon kay David, kailangang masuklam ang mga Pilipino sa mga ganitong kahalayan upang magising at muling maibalik ang dangal, pagiging disente, at pagiging makatao sa lipunang pinasama ng korapsyon.

Facebook Comments