Mga kasalukuyan at dating senador na pinangalanan ni dating Usec. Roberto Bernardo sa pagdinig, itinanggi ang mga alegasyon na sabit sila sa anomalya ng flood control projects

Tahasang itinanggi nina Senator Mark Villar, ex-Senator Grace Poe at ex-Senator at ngayo’y Education Secretary Sonny Angara ang mga alegasyon laban sa kanila ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Matatandaang sa supplemental affidavit ni Bernardo sa pagdinig ngayon ng Blue Ribbon Committee ay binanggit niya ang mga ito na tumanggap ng commitment o komisyon mula sa mga government projects sa pamamagitan ng kanilang mga staff.

Tinawag ni Villar na malaking kasinungalingan ang naging testimonya ni Bernardo at direkta niyang itinatanggi ang mga akusasyong ito.

Sinabi ni Villar na naninindigan siya sa walang-bahid niyang record bilang matagal na public servant magmula sa pagiging kinatawan sa Kamara, DPWH Secretary at ngayo’y senador ng bansa.

Nakakaalarma naman para kay Poe na nabanggit ang kanyang pangalan sa Blue Ribbon hearing dahil kailanman aniya ay hindi siya nasangkot sa anumang korapsyon at kaya niya itong sabihin sa mga Pilipino.

Nagtitiwala si Poe na sisiliping mabuti ng Department of Justice (DOJ) ang mga akusasyong ito sabay pagtitiyak na suportado niya ang mga imbestigasyon dahilan kaya siya humarap noong una sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Iginiit naman ni Angara na sa 21 taong nasa gobyerno siya ay hindi siya nasangkot sa alinmang isyu ng katiwalian at tahasan niya ring itinatanggi ang akusasyon sa mga maanomalyang proyekto.

Si Mayor Nancy Binay ay naglabas din ng kanyang statement sa social media account at kanyang inihayag na tahimik siyang nagtatrabaho bilang alkalde ng Makati at wala siyang kinalaman o anumang papel sa anumang proyektong may kaugnayan sa flood control projects.

Samantala, muli ring pinabulaanan nina Senator Chiz Escudero, Senator Jinggoy Estrada at dating Senator Bong Revilla ang akusasyon sa kanila ni Bernardo na anila’y walang basehan at gusto lang sirain ang kanilang reputasyon.

Facebook Comments