Iginiit ng mga kasapi ng Alliance of Concerned Teachers o ACT Philippines sa liderato ng Kamara at sa mga kasamahang mambabatas na iprayoridad ang pagpasa sa mga panukalang batas na nagtatakda ng pagtaas sa sweldo ng mga manggagawa.
Ito ang kanilang sigaw sa kanilang ginawang pagtitipon ngayon sa harap ng Kamara kasama si House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro.
Ayon sa ACT, umaabot na ngayon sa 58 ang mga panukalang batas sa Kamara at 21 naman ang nasa Senado na layuning itaas ang sahod ng mga guro at mga manggagawa sa gobyerno at sa pribadong sektor.
Dismayado ang ACT na hindi umuusad sa Mababang Kapulungan ang nabanggit na mga panukala sa harap ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Ipinaalala rin ng ACT ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong kampanya na itataas sa P27,000 kada buwan ang sweldo ng mga guro.
Umaasa ang grupo na sa darating na Mayo Uno o Araw ng Paggawa ay may magandang balitang matatanggap ang mga manggagawa sa buong bansa.