Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na asahang madadagdagan pa ang mga kasong isasampa laban sa sinibak na alkalde ng Bamban na si Alice Guo.
Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, marami pang kasong may kaugnayan sa money laundering na isasampa laban kay Guo.
Naniniwala si Clavano na ‘tip of the iceberg’ pa lamang ito sa mga nangyayaring iregularidad.
Sa ngayon, nahaharap si Guo sa reklamong graft and corruption sa Office of the Ombudsman dahilan upang masibak siya sa pwesto bilang alkalde.
Mayroon ding reklamong qualified human trafficking, tax evasion, at money laundering na nakahain sa dating alkalde at may kaso rin si Guo sa Commission on Elections (COMELEC) dahil sa material misrepresentation.
Bukod pa ito sa kinakaharap niyang quo warranto petition mula sa Office of the Solicitor General dahil sa kuwestyunableng citizenship.