Mga kaso na nakahain at ihahain pa laban kay Mayor Alice Guo, mas naging mabigat ayon sa isang senador

 

Kumpiyansa si Senator Risa Hontiveros na mas naging mabigat at solido ang mga kasong kinahaharap ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos ang isinagawang executive session patungkol sa koneksyon ng Alkalde sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Tarlac.

Sa closed-door meeting kasama ang mga national security agency at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno, sinabi ni Hontiveros na hindi nakatulong ang executive session para maging klaro ang identity ni Guo at sa halip ay mistulang nadagdagan pa ang pagdududa sa Alkalde.

Ayon kay Hontiveros, tiwala siyang mas nabigyan ng bigat at batayan ang mga kasong inihain at ihahain pa laban kay Mayor Guo.


Katunayan ay lumalabas ang katotohanan hindi lang sa bibig mismo ni Mayor Guo at sa imbestigasyon ng Senado kundi pati na rin sa parallel investigation na ikinakasa ng ibang ahensya ng gobyerno.

Hindi rin aniya nakabawas sa namumuong opinyon ng komite na may kinalaman sa POGO ang mayora batay na rin sa mga inilatag sa documentary evidence, mga input ng ilang resource persons gayundin ay wala ring mahalungkat na matibay na ebidensya na makapagpapatunay na isang Filipino citizen si Guo.

Hindi naman kasama si Guo sa executive session dahil ito ay ipinatawag para sa mga executive agencies upang maging malaya ang mga ito na sabihin ang mga impormasyon na hindi maisapubliko sa open hearing dahil sa mga confidential information na may kinalaman sa banta sa ating seguridad.

Facebook Comments