Mga kaso ng COVID-19 bumaba na ayon sa DOH; mga eksperto, tutol na luwagan ang quarantine restrictions sa bansa

Bumaba na ang bilang ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bumaba na ang average na bilang nito sa 1,000 hanggang 1,200 kumpara sa dating 3,000 kada linggo.

Pero may mga lugar pa rin aniyang may pagtaas ng kaso.


Sinabi pa ni Vergeire na malaki ang naitulong ng mga hakbang ng gobyerno para mapababa ang kaso ng COVID-19 gaya ng One Hospital Command at ang Oplan Kalinga.

Muling naman nagpaalala si Vergeire na huwag maging kampante kahit na anong community quarantine ang ipinatutupad ng gobyerno sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Dapat pa rin aniyang sumunod ang lahat sa minimum health standards.

Iginiit din ni Dr. Guido David ng University of the Philippines (UP) OCTA Research Team, na maaga pa para luwagan ang quarantine restrictions sa bansa sa kabila ng pagbaba ng kaso ng COVID-19.

Hindi pa rin dapat pagaanin ang restriksyon lalo na’t mahigit 1,000 pa rin ang naitatalang kaso kada araw at marami pa ring ospital ang punuan ng mga pasyenteng may-COVID-19.

Paalala ni David, laging may panganib sa pagpapalit o pagpapagaan ng restriksyon at protocols kaya’t mahalagang alamin kung kailan pwede nang sumuong sa ganung panganib.

Facebook Comments