Upang maiwasan na mangyari sa atin ang kalunos-lunos na sitwasyon sa Indonesia at iba pang bansa dahil sa pagkalat ng COVID-19 Delta variant ay iminungkahi ni Senator Kiko Pangilinan na pag-aralan na isailalim muli sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay Pangilinan, kailangang pakinggan ng gobyerno ang mungkahi ng mga health experts ngayong nadadagdagan ang mga kaso ng Delta variant sa bansa.
Sabi naman ni Senator Sonny Angara, dapat kontrolin ang bilang ng mga pinapapasok sa mga business establisment tulad sa mga shop, gym at iba pang gusali upang maiwasan ang hawaan ng Delta variant.
Giit naman ni Senator Nancy Binay, higpitan ang border controls para hindi kumalat ang Delta variant at protektahan ang mga nahihirapang healthcare workers na syang pangunahing tumutugon sa mga kaso ng COVID-19.
Para naman kay Senator Koko Pimentel, dapat ang maging guiding principle natin ngayon ay “essential” at ang general rule ay “stay at home.”
Ibig sabihin, lalabas lang ng bahay kung may importante at kailangang puntahan o asikasuhin at palagi ring tandaan ang pagsusuot ng face mask at pagsasagawa ng physical distancing.
Umapela naman si Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa mamamayan ng kooperasyon, ibayong pag-iingat, disipilina at huwag maging kumpyansa upang hindi kumalat ang Delta variant at hindi tayo bumalik muli sa lockdown.