Pinaiimbestigahan ni Senator Imee Marcos sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang umano’y mga kaso ng pang-aabuso sa mga call center ngayong may krisis dulot ng COVID-19.
Kabilang sa mga reklamong natanggap ng opisina ni Marcos ay ang hindi pagbibigay ng sahod sa nakalipas na 60 hanggang 90 araw ng mga call center companies at mas mahabang oras ng trabaho para sa mga work-from-home na walang dagdag na bayad.
Nakarating din kay Marcos ang umano’y hindi pagkakaloob ng separation benefits para sa mga inalis sa trabaho gayundin ang hindi nabayarang kuryente at WiFi access para sa mga pang-gabing empleyado na nagtatrabaho sa kanilang mga bahay.
Diin ni Marcos, dapat dumaan muna sa konsultasyon ng empleyado ang anumang pagbabago sa kanilang kumpensasyon para sa flexible na oras ng kanilang trabaho.
Giit ni Marcos sa DOLE, bantayan ng mahigpit ang pagsunod sa batas ng mga kumpanya kasama ang industriya ng Business Process Outsourcing (BPO).