Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagkaka-aresto kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ay matapos na sinasabing sumuko ang puganteng pastor sa gitna ng patuloy na operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng KOJC Compound sa Davao City na tumagal ng mahigit dalawang linggo.
Sa ambush interview sa Pangulo, sinabi nitong panahon na para resolbahin ang mga alegasyong kinakaharap ni Quiboloy partikular na ang reklamong human trafficking at child abuse sa Pilipinas at sa Estados Unidos.
Tiniyak naman ng Pangulo na walang magiging special treatment kay Quiboloy at ituturing itong ordinaryong nakakulong.
Samantala, sinabi pa ni PBBM na kailangan munang harapin ni Quiboloy ang mga kaso nito sa Pilipinas bago ipadala sa Estados Unidos.
Sa ngayon kasi ay wala pa rin namang extradition request mula sa Amerika para sa kustodiya ni Quiboloy.
Kasunod niyan, pinuri ni PBBM ang PNP dahil sa hindi pagtigil sa paghahanap kay Quiboloy.
Mahigit dalawang linggong pinaligiran at ginalugad ng PNP ang KOJC Compound kung saan naniniwala si PBBM na hindi lilitaw si Quiboloy kung hindi ito ginawa.