Ipinag-utos na ng Korte Suprema na ilipat sa Quezon City ang paglilitis sa dalawang kaso ni Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ay kasunod ng hiling ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ilipat ang venue mula sa Davao City para maiwasan na maapektuhan ang desisyon ng korte.
Ayon sa Supreme Court, may sapat na dahilan ang hiling ng kalihim lalo na’t kilalang maimpluwensiya sa lugar ang kontrobersiyal na religious leader.
Dahil dito, inatasan na ng korte ang branch clerk ng Regional Trial Court Branch 12 na ilipat ang lahat ng record sa kaso ni Quiboloy sa Office of the Executive Judge ng Quezon City Regional Trial Court.
Pina-ra-raffle na rin sa Quezon City RTC ang kaso ni Quiboloy at inatasan ang lahat ng mga korte sa Mindanao na agad ipalipat sa QC ang mga kaso sakaling may maghain pa ng mga panibagong reklamo.