Mga kasong isinampa ng PNP-CIDG, welcome kay dating PNP Chief Oscar Albayalde

Malugod na tinanggap ni dating PNP Chief, Police Gen. Oscar Albayalde ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya kaugnay sa kontrobersyal na drug raid sa Pampanga noong 2013.

Sa viber message, sinabi ni Albayalde na kampante siya dahil dadaan siya sa due process.

Aniya, pagkakataon ito para makapagpaliwanag siya sa tamang forum.


Sa Amended Referral Complaint na isinumite ng PNP-CIDG sa DOJ, mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, Qualified Bribery, Falsification of Public Documents at Perjury ang kinakaharap ni Albayalde at 13 pulis na sangkot maanomalyang drug operation.

Aminado naman si PNP-CIDG Legal Officer, Police Lt/Col. Joseph Orsos, walang matibay na ebidensya laban kay Albayalde.

Sinibak naman sa serbisyo ang tatlong pulis Antipolo dahil sa maanomalyang buy bust operation noong Marso habang pinatawan ng 59-day suspension si Police Lieutenant Joven De Guzman.

Dawit ang apat na pulis sa 2013 Pampanga drug raid.

Pero kinuwestyon ni PNP Internal Affairs Service Inspector General Alfegar Triambulo ang pagsuspinde kay De Guzman sa halip na sibakin din ito.

Tugon ni PNP OIC, Police Lt/Gen. Francisco Archie Gamboa, iba ang kaso para kay De Guzman pero tiniyak niyang masisibak din ito sa serbisyo.

Para kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ipauubaya na lamang nila sa hudikatura ang kaso.

Sa datos ng PNP mula January 2016 hanggang September 2019, higit 9,000 pulis ang naparusahan ng kasong Administratibo kung saan higit 4,700 ang nasuspinde habang halos 3,000 pulis ang na-dismiss sa serbisyo.

Facebook Comments