MGA KASUOTAN NA LIKHA NG MGA DESIGNER MULA PANGASINAN NAGNINGNING SA GABI NG MISS GRAND PHILIPPINES 2025

Kumikinang sa ganda ang mga kandidata sa katatapos na Miss Grand Philippines 2025, ngunit higit pa sa mga isinuot nilang kasuotan ang tunay na bituin ng gabi. Sila ang mga Pangasinense designers na nagpamalas ng husay at pagkamalikhain na maipagmamalaki ng lalawigan.

Isa sa mga tampok na tagumpay ay ang National Costume na nagwagi sa kompetisyon — isang sorbetes-inspired creation ng designer na si Renel Suarez mula sa Dagupan City. Umagaw rin ng pansin ang isa pa niyang likha para kay Miss Zambales, isang mala-superhero na costume na pumasok sa Top 6 ng National Costume segment.

Samantala, hindi rin nagpahuli ang world-renowned designer na si Rian Fernandez mula sa Alcala, Pangasinan. Siya ang responsable sa mga eleganteng kasuotan ng tatlong bagong kinoronahang Miss Grand Philippines 2025 Queens mula sa Pampanga, Taguig, at Zambales. Nakasuot sila ng kanyang likhang “canary yellow trumpets-inspired gowns” na talaga namang nagpatingkad sa kanilang kagandahan.

Isa pang kapuri-puring disenyo ay ang burqa-inspired gown ni Glademir Echevaree mula sa Urdaneta City, na isinuot ng Binmalenian beauty queen na si Nikki Buenafe.

Ang pagkinang ng mga kasuotang ito ay patunay lamang na sa likod ng entablado ay may mga alagad ng sining mula sa Pangasinan na patuloy na nagbibigay ng dangal at inspirasyon sa larangan ng fashion design — lokal man o pandaigdigang entablado. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments