Mga Katoliko, hinimok na makiisa sa Rosary Campaign laban sa China mula June 27 hanggang August 15

Hinimok ni Archbishop Socrates Villegas ang lahat ng mga mananampalatayang Katoliko na makiisa sa Rosary Campaign laban sa China.

Magsisimula sa June 27 hanggang August 15 ang kampanya para hilingin sa Diyos na iligtas ang Pilipinas mula sa China.

Kalakip sa panalangin ang pagiging banta ng nasabing bansa sa seguridad ng Pilipinas at ang pangamba na marami nang mga tauhan ng China ang nagsisilbi ngayon sa ating gobyerno.


Nakasaad din na isang moral issue ang ginagawa nilang pagkamkam sa teritoryo ng Pilipinas at pagharang sa mga Pilipino na makapangisda at makapaghanapbuhay.

Ayon kay Archbishop Soc, tungkulin ng simbahan na manindigan at tiwala rin sila na hindi mananaig ang anumang kasamaan.

Bukod sa panalangin, hinimok din ng Arsobispo ang mga mambabatas na gawin ang nararapat kaugnay sa imbestigasyon sa sinasabing nakapasok na ang mga galamay ng China maging sa mga korte.

Ipinanawagan din ng dating Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president ang tuluyan nang pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.

Facebook Comments