Mga katutubo sa Zambales na umano’y tinorture ng mga sundalo, hinikayat ng AFP na maghain ng reklamo

Pinaghahain ng reklamo ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Indigineous People Community o Aeta sa Zambales kung talagang ginawan nang masama ng mga sundalo na nakatalaga sa 7th Infantry Division ng Philippine Army.

Ito ay matapos ang ulat ng Sandugo- Movement Moro and Indigenous Peoples for Self- Determination na nang-torture raw ang mga sundalo sa Zambales ng mga kasapi ng Indigenous People (IP) at nagpasabog din daw ang mga kawal sa komunidad ng IPs.

Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, dapat na ipaalam ng mga nagrereklamo sa AFP units ang kanilang mga hinaing kalakip ang dokumento o testimonya na nagpapatunay na may mga ginawang paglabag ang mga sundalo sa Zambales.


Giit ni Arevalo, hindi kailanman kukunsintihin ng pamunuan ng AFP ang mga paglabag sa karapatang pantao ng sundalo, kung totoo man.

Pero ayon kay Arevalo, ang tatlong indibidwal na hinuli ng mga sundalo sa komunidad ng Indigenous People sa Zambales kamakailan ay mga miyembro ng Communist Terrorist Group.

Sinabi naman ni Major Amado Gutierrez, tagapagsalita ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, hindi tinorture ang tatlo.

Sa katunayan daw ay pina-medical check- up pa ang mga ito nang mahuli kamakailan.

Sa isyu naman ng umano’y pagpapasabog ng mga sundalo sa komunidad ng Aeta, sinabi ni Maj. Gen. Arevalo na hindi ito totoo ayon sa mismong Chieftain na si Marcelo Galado.

Giit pa ni Arevalo, pinoprotektahan ng militar ang kapakanan ng mga katutubo na aniya’y malimit maging biktima ng pang-aabuso ng Communist Terrorist Group at isinisisi sa militar.

Facebook Comments