
Nagtitipon-tipon ngayon sa may Edsa shrine ang isang grupo ng mga katutubong Dumagat mula sa Tanay, Rizal.
Ipinapanawagan ng Samahan ng mga kababaihang Dumagat ng Sierra Madre kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipahinto ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam.
Kinalampag din ng grupo ang Department of Environment and Natural Resources o DENR na kanselahin ang ECC o Environmental Compliance Certificate na inisyu nito sa Kaliwa Dam Project.
Ayon sa grupo, nasa pitong libong katutubo mula sa Daraitan, Tanay, Rizal ang nanganganib na malubog sakaling matuloy ang konstruksyon ng Kaliwa Dam.
Ayon Ma. Clara Dullas, presidente ng Samahan ng mga kababaihang Dumagat ng Sierra Madre, sa ngayon ay wala pang katiyakan kung saan sila maililipat ng tirahan.
Ang Kaliwa Dam Project ay 30% nang kumpleto at target na matapos sa 2027.
Sakaling maging operational, makakapag-supply ito ng tubig sa mga kabahayan sa Metro Manila at mga kalapit na lugar sa unang bahagi ng 2027.