Mga kaukulang ahensya ng pamahalaan, pinaaalerto ni PBBM kaugnay sa Super Typhoon Nando

Nagbaba ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na tutukan ang paghahanda para sa pagdating ng Super Typhoon Nando.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), agad nang kumilos ang mga kaukulang ahensya matapos ang kautusan ng Pangulo, kasabay ng panawagan sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa opisyal na abiso ng gobyerno.

Sa ulat ng PCO mula sa pakikipag-ugnayan nito sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may 44 na miyembro ng ahensya ang gumagalaw para sa maagap na pagtugon sa epekto ng bagyo.

Kabilang dito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at iba pang ahensya na nakatutok sa pangangailangan ng mga maaapektuhang residente.

Inaasahang tatamaan ng bagyo ang Babuyan Islands, Batanes, at ilang bahagi ng Hilagang Luzon, habang pinapayuhan ang Metro Manila na maghanda sa posibleng pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan.

Facebook Comments