Cauayan City, Isabela- Masayang tumanggap ng financial assistance mula sa DSWD sa ilalim ng Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng pamahalaan ang ilang mga opisyal ng barangay kabilang ang mga Tanod, Barangay Nutrition Scholars, Barangay Health Workers at Day Care Workers ng tatlong barangay sa unang Distrito ng Lalawigan ng Isabela.
Tinatayang aabot sa 3,834 na mga barangay officials at workers ang tumanggap ng cash assistance na kung saan ang mga brgy Tanod ay nakatanggap ng karagdagang isang sakong bigas mula sa pamahalaang panlalawigan.
Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa bayan ng Tumauini, Delfin Albano at Sto. Tomas na sinaksihan ng ilang matataas na opisyal ng provincial government at ng mga local officials.
Ayon kay Regional Director Lucia S. Allan, OIC ng DSWD, kanyang sinabi na ang naturang programa ay layong matulungan ang mga kawani ng barangay na nagbibigay din ng tulong sa mga nasasakupang residente.
Sinabi naman ni Congressman Antonio “Tonypet” T. Albano ng Isabela 1st District na maituturing din bilang mga frontliners ang mga opisyal at manggagawa ng barangay dahil sila ang unang tumutugon sa kani-kanilang nasasakupan ngayong panahon ng pandemya at mainam lamang na sila ay matulungan.
Inaasahan aniya na sa mga susunod na araw na mas marami pang programa ang maibibigay ng pamahalaang panlalawigan para sa mga Isabelino.