Isandaang porsyento na ang nabakunahan laban sa nakahahawa at nakamamatay na COVID-19 ang mga empleyado ng Department of Agriculture o DAR-CALABARZON Regional Office.
Ayon kay Assistant Secretary at concurrent DAR-CALABARZON Regional Director Rene Colocar, sa pakikipagtulungan sa Quezon City – Local Government Unit (QC-LGU), naturukan ng Sinovac at Janssen vaccine ang 74 nang kabuuan nilang empleyado na isinagawa sa QC hall.
Aniya, bilang bahagi ng kanilang hakbang na maprotektahan ang kalusugan ng kanilang mga empleyado laban sa COVID-19 virus, target sana nila na mabakunahan ang 70% ng mga kawani ng DAR subalit umabot ito sa 100 porsiyento.
Sinabi pa nito na bukod sa kaligtasan ng kanilang mga empleyado ay mapoproteksyonan din ang mga magsasaka na patuloy nilang paglilingkuran.
Gayunman, pinayuhan ni Colocar ang kaniyang mga emplayado na bagama’t bakunado na dapat pa ring panatilihin ang social distancing, paghuhugas ng kamay, at ang pagsusuot ng face mask at face shield.