Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na wala silang sasantuhin sa kampanya kontra korapsyon.
Ito ay kasunod ng pagresolba ng DOJ-National Prosecution Service sa reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) para masampahan ng kasong direct bribery ang OIC Branch Clerk of Court ng Pasay City Regional Trial Court Branch 108.
Batay sa imbestigasyon ng NBI, humihingi ng limang milyong piso ang court employee kapalit ng pagkapanalo sa kanilang kaso at kalaunan ay itinaas sa anim na milyong piso.
Naaresto naman ang court employee sa ikinasang entrapment operation.
Kasunod nito, nagbabala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga kawani ng DOJ na gawing mabuti ang trabaho at magsilbing role model.
Samantala, sinuspinde naman ng Supreme Court ang judge na dawit sa reklamo habang gumugulong ang imbestigasyon.