Mga kawani ng gobyerno, muling binalaan ng COMELEC na bawal mangampanya para sa kandidato; reactivation ng mga botante, pinalawig hanggang sa susunod na Miyerkules

Ilang araw bago ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2025 midterm elections, nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga kawani ng gobyerno na bawal mangampanya para sa kanilang gustong kandidato.

Paalala ni COMELEC Chairman George Garcia sa mga appointed na opisyal, hindi sila maaaring makilahok sa anumang partisan political activities, lalo na sa darating na halalan.

Samantala, good news naman para sa mga botanteng wala na sa listahan ng COMELEC dahil pinalawig ng poll body hanggang sa susunod na Miyerkules, September 25 ang deadline ng aplikasyon para sa reactivation.


Ayon sa COMELEC, inextend ito dahil marami pa ring mga botante ang hindi nakakapagpa-reactivate ng kanilang voter registration.

Ang mga kwalipikado rito ay ang mga botanteng hindi nakaboto sa loob ng dalawang magkasunod na halalan.

Maaari silang maghain ng application for reactivation online basta’t may kumpletong biometrics pa sila sa local COMELEC office kung saan sila rehistrado.

Noong September 7 ang orihinal na deadline ng pagpapa-reactivate bago palawigin hanggang sa susunod na linggo.

Facebook Comments