MGA KAWANI NG MEDIA, PINASALAMATAN NG PINUNO NG 5th INFANTRY DIVISION

Cauayan City, Isabela- Nagpaabot ng pasasalamat sa mga lokal na mamamahayag si MGen Laurence E Mina, pinuno ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa isinagawang Media Fellowship sa 5th ID, Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela noong Biyernes, June 17, 2022.

Kasabay ng Media Fellowship 2022 na inorganisa ng Division Public Affairs Office (DPAO), ipinaabot ni 5ID Commander MGen. Mina ang pasasalamat at papuri sa mga kawani ng media mula sa iba’t-ibang probinsya sa lambak ng Cagayan at Cordillera Region sa pamamagitan ni Army Captain Rigor Pamittan, pinuno ng DPAO.

Pinasalamatan ng Heneral ang mga nasa media sa patuloy na pagsuporta sa mga programa at kampanya kontra terorismo ng kasundaluhan ng 5ID.

Nagpapasalamat din si MGen. Mina sa mga mamamahayag sa pagpapalaganap ng mga totoong impormasyon hinggil sa mga nagawa o accomplishments ng 5ID para lalong mailapit ang kasundaluhan sa mamamayan.

Dahil sa tulong at suporta ng media, nakamit aniya ng 5ID ang pinakamataas na ratings sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno.

Kaugnay nito, hiniling ng Heneral sa mga mamamahayag na sana’y patuloy ang pagsuporta sa kanilang mga programa ganundin ang pagpapakalat ng mga impormasyon kaugnay sa nagampanan ng 5ID sa nasasakupan nito.

Samantala, pinasalamatan at binati rin ng Heneral ang mga bagong talagang opisyal ng 5ID Defense Press Corps na sina Victor Martin ng The Philippine Star (President); Mark Djeron Tumabao ng PIA Region 2 (501 Vice-President); Villamor Visaya Jr ng Philippine Daily Inquirer (502 Vice-President); Brent Martinez ng Guru Press Cordillera (503rd Vice President); Annaliza Gammad ng DWDY (Secretary); Teresa Campos ng DWPE-Radyo Pilipinas (Treasurer) at Christopher Estolas ng 98.5 iFM Cauayan/Radio Mindanao Network (Auditor).

“Mabuhay ang patas at malayang pamamahayag. Panig sa Katotohanan, panig sa tao at panig sa bayan” mensahe ni MGen. Laurence E Mina sa katatapos na Media Fellowship 2022.

Facebook Comments