Habang umiiral ang liquor ban kasabay ng COVID-19 lockdown sa South Aftica, may mga kawatang naghukay papasok sa isang supermarket sa Johannesburg para tumangay ng alak.
Sa ulat ng AFP, aabot sa $17,000 (higit P850,000) ang halaga ng whisky, brandy, gin, vodka, at beer sa Shoprite ang nalimas ng mga ‘di pa nakikilalang suspek.
Nadiskubre lang ng mga empleyado ang nangyaring “liquor heist” nang simulan na ang paghahanda sa muling pagbubukas ng tindahan, noong Mayo 29.
“They discovered a big hole on the floor next to (a) fridge where it is suspected that suspects might have gained entry from tunnels underneath,” ayon sa tagapagsaslita ng pulisya.
Imbis na dumaan sa entrance ng mall na pinupuwestuhan ng liquor shop, ginamit umano ng mga kawatan ang electrical at storm water tunnels sa ilalim para makarating sa tindahan.
Tatliong suspek ang nakuhanan sa security footage noong Mayo 21 na unang araw ng pagnanakaw.
Mangilang ulit pa umanong bumalik ang mga kawatan para maghakot ng alak.
Hindi naman malinaw kung paano nalaman ng mga kawatan ang dadaanang tunnel at kung gaano katagal bago nila nabutas ang konkretong sahig ng tindahan.
Naglapag naman ng pabuya sa kung sinumang makapagtuturo sa mga suspek.