
Tiniyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) na irerespeto nila ang pagsasagawa ng mga kilos-protesta at siniguro ang zero tolerance.
Kasunod na rin ito ng kilos-protesta sa isang subdivision sa Makati City kagabi.
Ayon kay Interior Sec. Jonvic Remulla, bagamat malayang magpahayag ng hinaing ang ating mga kababayan ay hindi naman sila papayag na magkaroon kaguluhan at karahasan.
Kagabi ay personal nitong pinuntahan ang kilos protesta sa Makati at magdamag aniyang minonitor ng Philippine National Police (PNP) ang sitwasyon.
Aniya, nakausap niya si Pangulong Bongbong Marcos at ang direktiba ng pangulo ay bantayan ang sitwasyon at tiyaking walang masasaktan sa kilos-protesta.
Hinikayat naman ni Remulla ang publiko na manatiling kalmado at patuloy na makipag-ugnayan sa mga otoridad para masiguro ang kaligtasan at kapayapaan ng lahat.









