Mga kinauukulang ahensya at stakeholders, dapat magkasa ng dayalogo para tugunan ang kakulangan ng nurse sa bansa

Iginiit ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang pagsasagawa ng dayalogo sa pagitan ng mga kinauukulang ahensya at stakeholders para hanapan ng solusyon ang kakulangan ng nurse sa mga government hospitals.

Mungkahi ito ni Nograles sa harap ng isinusulong ni Health Secretary Ted Herbosa na bigyan ng pansamantalang lisensya ang mga nursing board takers na nakakuha ng score na 70 to 74% para matugunan ang kakulangan ng nurse sa bansa.

Binanggit ni Nograles na bukod sa umani ng kritisismo mula sa iba’t ibang sektor ang mungkahi ni Herbosa ay nilinaw na rin ng Professional Regulation Commission (PRC) na hindi pwedeng bigyan ng temporary o special license ang nursing graduates na bumagsak sa board exam.


Diin ni Nograles, sa pamamagitan ng dayalogo ay mailalatag ang mahusay na estratehiya at pangmatagalang solusyon sa problema.

Ayon kay Nograles, paraan din ito para mapag-usapan ng mabuti ang mga isyu gaya ng nurse to patient ratio, working hours, sweldo, at iba pa.

Bilang miyembro ng Kongreso ay nagpahayag ng kahandaan si Nograles na maging parte ng dayalogo para magbigay ng suporta, lalong-lalo na kung makikitang kailangan ng batas para masolusyunan ang kakulangan ng nurse sa bansa.

Facebook Comments