Nagpapatuloy ang isinasagawang indignation rally ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Lungsod ng Maynila.
Pasado alas-4:00 ng hapon nang magsimula ang pagmamartsa ng mga kalahok sa rally mula sa Plaza Miranda patungo sa Liwasang Bonifacio.
Ayon sa mga nagpoprotesta, kinokondena nila ang umano’y karahasan at kawalan umano ng respeto sa saligang batas ng mismong mga dapat nagpapatupad nito.
Humihiling din ang mga ito ng hustisya sa gitna ng ginagawang operasyon ng pulisya sa kanilang KOJC compound sa Davao City para arestuhin ang wanted na si Pastor Apollo Quiboloy.
Samantala, ipinapanawagan din nila ang pagbibitiw sa pwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at lahat ng mga kaalyado nito.
Nasa isang libong mga miyembro ang nagtipon-tipon dito kung saan alas-singko naman ng hapon nang dumating si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nandito rin ang kontrobersiyal na si dating PDEA agent Jonathan Morales na sangkot sa isyu ng PDEA leaks na nag-aakusa sa pangulo na gumagamit umano ng iligal na droga.
Sinabi pa nito na si Bong Daza na matalik umanong kaibigan ng pangulo ang mismong naglaglag sa kaniya.