Pinahihigpitan ngayon ng Hatid-Tulong Program ang pagmo-monitor ng Philippine National Police (PNP) sa movement o transportasyon ng mga Locally Stranded Individual (LSI).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Hatid Tulong Program Lead Convener Assistant Secretary Joy Encabo na may ilang grupo, organisasyon o indibidwal kasi ang nagpapauwi ng LSIs na wala manlang isinasagawang koordinasyon mula sa national government.
Inihalimbawa nito ang nahuling dalawang van kamakailan na patungong Samar at may lulang mga LSI, nang inspeksyunin napag-alamang matagal na ang isinagawang rapid test sa mga ito at paso na rin ang ibinigay na travel authority ng PNP.
Hindi rin aniya na-coordinate sa national government o mismo sa kanila sa Hatid-Tulong Program ang pagpapauwi sa mga LSI.
Ayon kay Asec. Encabo, isa ang kolorum na pagpapauwi sa mga LSI sa nakikita nilang dahilan kung bakit nagkakaroon ng kaso ng COVID-19 sa ilang probinsya at bandang huli ay isisisi ito sa gobyerno.
Kaya pakiusap ni Encabo sa mga grupo o organisasyon na nasa likod ng hindi otorisadong pagpapauwi sa LSIs na makipag-coordinate muna sa kanila nang sa ganun ay mayroong sapat na mga dokumento ang mga ito at alam ng receiving Local Government Unit (LGU) bago sila tuluyang makauwi sa kani-kanilang mga probinsya.