
Iminungkahi ni Senator Grace Poe sa mga kompanya na maglatag ng mga pansamantalang solusyon para makatulong sa kanilang mga empleyado na makaiwas sa matinding traffic na maidudulot ng pagsisimula ng EDSA rehabilitation.
Ayon kay Poe, para matulungan ang mga commuter ay maaaring maglaan ng shuttle service ang mga kompanya at mag-adopt ng flexible work arrangements tulad ng work from home (WFH) upang makaiwas sa matinding traffic sa EDSA.
Ipinunto ng Senadora na hindi uubra ang “business as usual” sa ngayon lalo’t sa ginawang JICA survey noong 2017, aabot sa P3.5 billion araw-araw ang nalulugi sa ekonomiya ng bansa at maaari pa itong tumaas sa P5.4 billion sa 2035.
Pinaglulunsad din ng mambabatas ang Department of Transportation (DOTr) at Metro Manila Development Authority (MMDA) ng malawakang public information campaign kaugnay ng mga hakbang para maibsan ang inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko sa EDSA.
Mahalaga aniyang linawin ito sa publiko lalo na kung gaano katagal ipatutupad ang odd-even scheme at sino ba talaga ang saklaw at exempted dito.









