Mga kompanyang magpapatupad ng telecommuting, isinusulong na mabigyan ng insentibo

Pinabibigyan ni Senator Sherwin Gatchalian ng insentibo ang mga kompanyang magpapatupad ng telecommuting o work-from-home arrangement.

Sa Senate Bill 1149 na inihain ni Gatchalian, layunin dito na maitaas ang adoption ng mga kompanya sa remote working arrangements na isa sa mga nakikitang solusyon para maibsan ang matinding trapiko sa Metro Manila.

Batay kasi sa ilang mga pag-aaral, lumalabas na 98 oras o mahigit apat na araw ang ginugugol ng isang Pilipino sa traffic kada taon.


Sa ilalim ng panukalang batas, mababawasan ng P25 ang taxable income ng isang empleyado sa bawat oras o serbisyong inilaan nito sa ilalim ng work-from-home (WFH) o telecommuting arrangement.

Dagdag pa rito, ang mga allowance o benepisyo na ibinibigay ng mga employer sa mga empleyado na hindi hihigit sa P2,000 ay ililibre din sa buwis.

Ilan naman sa mga tinukoy na benepisyo ng telecommuting o work-from-home arrangement ay mababawasan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko lalo ngayon na nagbalik na ang in-person classes, mababawasan din ang demand sa mahal na presyo ng langis, gayundin ay mas mapapalawak ang work-life balance at mas tataas ang productivity ng isang empleyado.

Facebook Comments