Ino-obliga ang mga kongresista at mga kawani sa Kamara na sumailalim sa real-time Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test para sa COVID-19 ngayong araw para sa pagbabalik-sesyon matapos ang Undas break.
Ayon kay House Secretary General Jocelia Bighani Sipin, ito ay bahagi pa rin ng mahigpit na health at safety measures upang maprotektahan ang lahat ng mga papasok sa Batasan Complex.
Mismong si Speaker Lord Allan Velasco ang nanguna sa pagpapa-test sa real-time RT-PCR testing noong nakaraang linggo.
Nasuspinde lamang ito bunsod ng Bagyong Ulysses ngunit itutuloy muli ngayong araw.
Obligado rin ang mga bisita na sumailalim sa COVID-19 antigen testing bago mabigyan ng access sa Kamara.
Ang mga house members, employees, guests kasama ang media ay pinagsusumite rin ng health declaration form para ipaalam ang kasalukuyang health status bago payagan na makapasok sa Batasan.
Kinakailangan din ang pagsusuot ng face mask, face shield, pagdaan muna sa thermal scanners at disinfection machines at mahigpit na pagsunod sa physical distancing.