Mga kongresista, hinamon ni Sen. Bato Dela Rosa na magpakalalaki naman

Hinamon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga kongresista sa Kamara na magpakalalaki naman at aminin na sila ang nasa likod ng itinutulak na People’s Initiative para sa Charter Change.

Ayon kay Dela Rosa, walang problema sa kanya kung tulad ng sinasabi ni Cong. Rufus Rodriguez na bago mag Holy Week ay tatapusin na ang People’s Initiative habang si Cong. Joey Salceda naman ay ibinida na 12% ng nationwide na bilang ng lagda ang nakukuha basta’t aminin lang ng Mababang Kapulungan na sila ang nasa likod nito.

Ang mahirap aniya nito ay naghahayag ng suporta sa nasabing mode ng Charter Change ang Kamara pero deny naman nang deny na sa kanila galing ang inisyatibo.


Tanong ni Dela Rosa sa mga kongresista, mayroon bang hidden agenda sa People’s Initiative kaya ikinakahiya ng mga mambabatas at ayaw nilang angkinin.

Hirit ng senador, magpakalalaki naman ang mga kongresistang ito sa pamamagitan ng pagamin na sila ang nasa likod ng People’s Initiative at huwag nang lokohin pa ang mga Pilipino.

Facebook Comments