Mga kongresista, ikinadismaya ang napakong pangako ni FPRRD na tutulungan ang mga pulis na sasabit sa drug war

Ikinadismaya ng mga kongresista na hindi tinupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako na tutulungan ang mga pulis na mahaharap sa kaso kaugnay sa pagpapatupad ng war on drugs.

Ayon kay Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, nakalulungkot isipin na pinabayaan na ni Duterte ang mga kapulisan pagkatapos nilang sumunod sa kanyang kautusan na giyera kontra ilegal na droga.

Malinaw naman para kay Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City na ang pangako ni Duterte ay walang silbi, lalo na sa mga pulis na itinaya ang kanilang kinabukasan at reputasyon sa ilalim ng administrasyon nito.


Sabi naman ni Deputy Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Partylist, puro daldal lang naman palagi si dating Pangulong Duterte pero hindi naman nito tinutupad ang mga sinasabi kaya ang kawawa ay ang mga pulis na nakabaril ng drug suspect.

Binigyang diin naman ni Sta. Rosa Laguna Representative Dan Fernandez na isa sa mga pinuno ng House Quad Committee, puro drawing lang ang dating Pangulong Duterte at nakalulungkot na pati ang mga pulis ay nabudol nito.

Facebook Comments