Mga kongresista, kinokondena rin ang pagpatay ng pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac

Kinokondena ng mga kongresista ang ginawang pagpatay ng isang police officer sa dalawa nitong kapitbahay sa Paniqui, Tarlac.

Ayon kay Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, mariin niyang kinokondena ang “broad daylight murders” kina Sonya Rufino Gregorio, 52 anyos at sa anak nitong si Frank Anthony Rufino Gregorio, 25 anyos kung saan huling-huli sa video ang pamamaril ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mga biktima habang kasama pa nito ang anak na babae.

Giit ni Zarate, nagiging kultura ang police brutality dahil sa paglala ng impunity sa bansa.


Punto pa ng kongresista na mahirap na ituring na isolated incident ang pamamaslang sa mga Gregorio dahil naging talamak na ang kill, kill, kill culture sa hanay ng mga pulis ngayong taon.

Naniniwala naman si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na malaking dahilan sa mga maling gawi ng mga pulis ang patuloy na pagtatanggol at pagtatakip sa mga ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, nagiging malakas ang loob ng mga pulis na gumawa ng krimen bunsod ng paniniwala na mayroon silang proteksyon at kaya nila itong lusutan.

Iginiit pa ng mga mambabatas ang agad na pagpaparusa sa pulis na si Nuezca at ang agad na pagbibigay hustisya sa mga pinaslang nitong biktima.

Facebook Comments