Posibleng maghain ang mga kongresista ng kaso laban sa mga Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) officials batay sa lumabas na resulta ng imbestigasyon ng Kamara sa katiwalian at iregularidad sa ahensiya.
Ang pahayag ay kasunod ng nag-leak na committee report sa joint investigation ng Committee on Public Accounts at Good Government and Public Accountability patungkol sa mga anomalya sa PhilHealth.
Nakasaad sa rekomendasyon ng 65 pahina na leaked committee report na kasama sa pinakakasuhan ng kasong administratibo at kriminal sina Health Secretary Francisco Duque III, dating PhilHealth President Ricardo Morales, Executive Vice President Arnel de Jesus, Senior Vice Presidents Israel Francis Pargas, Renato Limsiaco Jr. at Rodolfo del Rosario gayundin sina Labor Secretary Silvestre Bello III, at Budget Secretary Wendel Avisado bilang mga myembro ng PhilHealth board at iba pang company officials at board members.
Ayon kay Public Accounts Chairman at Anakalusugan Rep. Mike Defensor, maaaring magdesisyon ang mga kongresista na sampahan ng kaso sa kanilang personal na kapasidad ang mga opisyal na nasasangkot sa anomalya sa PhilHealth.
Iisa-isahin din umano nila ang mga kasong isasampa laban sa mga PhilHealth officials at gagawin nila ang paghahain ng kaso “individually”.
Samantala, nilinaw naman ni Defensor na ang nag-leak na committee report sa isinagawang PhilHealth investigation ng Kamara ay hindi pa opisyal at hindi rin final.