Sa kabila ng pagbuhos ng pakikiramay sa Kamara ay nagpasalamat at kinilala naman ng mga kongresista ang legacy na iniwan ng namayapang dating Pangulong Noynoy Aquino para sa bansa.
Ayon kay Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran, bagama’t maraming kinaharap na isyu noon ang yumaong dating pangulo ay kabilang naman ito sa mga pinangalanang “100 Most Influential People in the World” ng Time Magazine.
Bukod dito, matapang na dinala ni dating Pangulong Aquino ang China sa korte para ilaban sa permanent court of arbitration ang karapatan sa West Philippine Sea na siya namang naipanalo ng bansa.
Sa administrasyon din ni PNoy napanagot ang mga may kinalaman sa pork barrel scam na siyang naging “game changer” sa Philippine politics.
Nagpasalamat naman si Anak Mindanao Partylist Rep. Amihilda Sangcopan sa mga landmark legislation ni Aquino tulad ng “Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act,” Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012, Enhanced Basic Education Act of 2013, Responsible Parenthood and Reproductive Health Act, at higit lalo ang pagbuo sa Framework Agreement on the Bangsamoro at ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro noong 2012 at 2014.
Sinabi naman ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin na dahil sa mga strong economic policies ni PNoy ay nakatulong ito para harapin ng bansa ang mga hamon ngayon ng COVID-19 pandemic.
Inalala naman ni Deputy Speaker Loren Legarda kung paano sinuportahan noon ni dating Pangulong Aquino ang kanyang mga adbokasiya.
Aniya, bukod sa pakikiramay ay nararapat lamang pasalamatan si PNoy sa kanyang hindi matatawarang serbisyo at kontribusyon para sa ikabubuti ng mga Pilipino.