Sa kabila ng Pulse Asia Survey na nagsasabing mayorya ng mga Pilipino ang tutol sa Charter Change ay nanindigan ang mga kongresista na mahalagang ma-amyendahan ang Konstitusyon para matugunan ang mga pangangailangan ng lipunan at pagpapalago ng pambansang ekonomiya.
Binigyang diin ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na tutugon ang mga pagbabagong Konstitusyonal sa pangangailangan ng lipunan.
Paliwanag naman ni House Majority Leader at Zamboanga Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, hindi maisasantabi ng resulta ng survey ang katotohanan na mahalaga ang economic Cha-Cha para matugunan ang mga hamon at maisulong ang kapakanan ng mga Pilipino.
Muli ring iginiit ni Dalipe na ang panukalang pagbabago sa economic provisions ay walang kaugnayan sa pagpapahaba ng termino ng mga nanunungkulan kundi para lamang mas dumami ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Paliwanag naman ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez, kailangang maamyendahan ang Konstitusyon upang mabilis na maabot ang inaasam na pag-unlad ng Pilipinas.
Hinikayat din ni Suarez ang publiko na lumahok sa usapin ukol sa Cha-Cha upang tiyakin na ang inihahain na mga reporma sa Saligang Batas ay tumutugma sa mga pangangailangan at hinahangad ng mga Pilipino.