Mga kongresista sa Eastern Visayas, humihingi ng tulong sa pamahalaan para sa COVID-19 pandemic

Humihingi ng tulong sa pamahalaan ang labingtatlong (13) kongresista mula sa Eastern Visayas para suportahan ang mga programa, proyekto at aktibidad na may kaugnayan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic sa Region 8.

Sa inilabas na joint statement, nanawagan ang mga mambabatas mula sa Leyte at Samar sa gobyerno na tiyakin ang medical supplies gaya ng Personal Protective Equipment (PPEs) para sa susunod na tatlong buwan.

Hiniling rin ng mga ito na mapondohan ang municipal quarantine centers; palakasin ang contact tracing capability sa rehiyon; maglagay ng regional processing center para sa mga nagbabalik-probinsya; at palakasin ang telehealth medicine.


Pinatitiyak din ang proteksyon at kaligtasan ng medical frontline personnel; maghanda ng COVID-19 Regional Response Plan; at maipalabas na ang pondo sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act (GAA) na inilaan para sa mga proyektong may kinalaman sa kalusugan at imprastraktura.

Pinare-review rin ng mga kongresista ang Hatid-Probinsya program at health protocols na ipinatutupad ng gobyerno sa Locally Stranded Individuals (LSIs) dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases sa Eastern Visayas sa nakalipas na mga araw.

Ayon kay House Majority Leader at Leyte Representative Martin Romualdez, dapat bilisan ang aksyon dahil mahalaga ang bawat oras sa panahon ng pandemya.

Facebook Comments