Tiniyak ng mga mambabatas sa Department of Budget and Management na maipapasa nila sa tamang oras ang 2020 national budget.
Ayon kay Budget Acting Secretary Wendel Avisado, kinausap sila liderato ng Kongreso na sa Oct.4 ay maipapasa na nila sa huling pagbasa ang panukalang pambansang pondo na nagkakahalaga ng 4.1 trillion pesos.
Kasabay rin nito, nagpapatuloy rin daw ang budget deliberations sa Senado.
Kasama sa proposed 2020 national budget ang pondo para sa implementasyon ng Universal Health Care Law.
Aminado naman ang DBM na kasama rin sa budget ang malilikom na pondo mula sa Trabaho Bill o ang tax reform package ng gobyerno na layong babaan ang corporate income tax at baguhin ang mga ibinibigay na insentibo sa ilang kompanya.
Hindi pa ito naipapasa sa Kongreso, pero sabi ni Sec. Avisado sinama na ng Department of Finance ang inaasahang kita dito sa paglalaanan ng budget para sa 2020.
Sakali mang hindi maipasa ang trabaho bill, ipinauubaya na raw ng DBM sa Kongreso ang desisyon sa budget gayong sila naman ang may kapangyarihan na magapruba ng pambansang pondo.