Mga kongresista, tiwalang magagampanan ni congressman Benitez ang pamumuno sa TESDA

Ipinagmalaki ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda na isa sa mga magagaling na mambabatas si Negros Occidental Representative Francisco “Kiko” Benitez kaya swerteng nadagdagan ng isang may kakayahan ang gabinete ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Sabi pa ni Salceda, ilang taon na nilang magkatuwang na pinagsisikapan ni Benitez na mai-angat bilang cabinet-level department ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

Para naman kay Northern Samar 1st District Representative Paul Daza perfect leader ng TESDA si Benitez dahil totoong masipag ito, matalino at may malasakit.


Dagdag pa ni Daza, kilala din si Benitez bilang masugid na tagapagtaguyod sa sektor ng edukasyon.

Una rito ay agad inihayag ni Benitez na isang malaking karangalan na maglingkod sa bayan bilang Director General ng TESDA.

Kaugnay nito ay taos pusong nagpapasalamat si Benitez kay pangulong marcos, gayundin sa suporta ng Second Congressional Commission on Education, mga kasamahang mambabatas lalo na kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, mga taga-Negros Occidental kasama ang mga local officials at civic groups sa kanyang distrito.

Facebook Comments