Walang pag-aalinlangan si House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, na mas magiging matagumpay ang pinaigting na operasyon laban sa droga ng kasaluyan na administrasyon kung saan sinisikap na wala o mas konti ang mamamatay.
Pinuri din ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr., ang matagumpay na mga anti-drug operation ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
Suportado rin ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep Janette Garin, ang bloodless war on drugs ng gobyerno kung saan umaabot na sa 4.4 na tonelada ng shabu ang nakumpiska na nagkakahalaga ng mahigit ₱30 bilyon.
Ikinalugod naman ni Antipolo City 2nd District Representative Romeo Acop, ang report ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) na bumaba ng 52% ang bilang ng mga namatay sa anti-illegal drugs operations simula noong Hulyo 2022 hanggang Setyembre 2023.
Kaugnay nito ay inatasan naman ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Congressman Acop, na tulungan si Representative Barbers at Committee on Public Order and Safety – Sta. Rosa City Representative Dan Fernandez sa pagtalakay sa mga isyu na mayroong kinalaman sa kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot.