Hindi dapat nakabase lang sa tila kwentong marites ang mga alegasyon ni Senator Imee Marcos na may pondong naisingit o nailipat sa 2024 national budget na ikinokonekta nya sa isinusulong na Charter Change (Cha-cha).
Ayon kay Lanao del Norte Representative Mohamad Khalid Dimaporo, mainam kung mailalabas ni Senator Marcos ang minutes ng pagtalakay sa bicameral conference committee sa 2024 budget.
Sang-ayon din si Manila Representative Ernesto Dionisio Jr., na mainam na ilabas na lang ang records o minutes kaugnay sa 2024 budget lalo’t “very unprofessional” na umano ang mga binibitiwang salita ng senadora.
Nagtataka naman si La Union Representative Paolo Ortega, kung bakit ngayon lang inilalabas ni Senator Marcos ang mga isyu niya ukol sa budget na parehong inaprubahan ng Senado at Kamara.
Diin ni Ortega, dumaan sa tamang proseso ang pagpasa sa pambansang budget kaya sa mga pagdinig o deliberasyon pa lang hinggil dito ay dapat nagsalita na noon si Senator Marcos para naplantsa na anuman ang isyung inilulutang niya ngayon.