Mga kongresista, umapela na huwag idamay ang pondo ng “Ayuda Kita sa Kapos Program” sa isyu ng People’s Initiative

Pinalagan ng mga kongresista ang pagkwestyon ni Senator Imee Marcos at ilang senador sa pondo ng “Ayuda Kita sa Kapos Program” (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na hinihinala nilang ginamit sa People’s Initiative para sa Charter Change.

Giit ni AKO Bicol Party-list Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon, walang katotohanan ang nasabing alegasyon kasabay ang apela na huwag sirain at bigyan ng pangit na kulay ang programa na layuning makapagbigay ng dagdag na ayuda sa mahihirap at nangangailangang Pilipino.

Paliwanag ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, ang pondo ng AKAP ay regular ng nakapaloob sa Pambansang Budget at hindi ito inilaan para sa People’s Initiative.


Diin naman ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr., tanging ang DSWD lamang ang may kapangyarihan na gastusin ang pondo ng AKAP at walang kinalaman ang Kamara.

Sinabi rin ni Gonzales na ang mga senador ay kasamang nag-apruba sa pondo ng AKAP.

Nakakagulat naman para kay 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez na kinuwestyon ngayon ng Senado at binibigyan ng malisya ang pondo ng AKAP na magkatuwang nilang inaprubahan sa ilalim ng 2024 national budget.

Facebook Comments