Mga kongresista, umapela sa DOJ na bilisan ang pagkilos para agad mapanagot si FPRRD at iba pang sangkot sa madugong drug war

Patuloy ang pangangalampag ng mga kongresista sa Department of Justice (DOJ) para umaksyon ng mabilis upang mapanagot si dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga sangkot sa madulong war on drugs.

Ayon kay Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña kailangang masampahan na ng kaso sa lalong madaling panahon si dating Pangulong Duterte at mga kasabwat nitong opisyal para mabigyan ng katarungan ang mga kaawa-awang biktima ng extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng drug war.

Bunsod nito ay hinihiling ni Cagayan de Oro City Representative Lordan Suan sa DOJ gayundin sa Office of the Ombudsman na agad ikasa ang imbestigasyon para maibalik din ang tiwala ng taumbayan sa ating justice system.


Punto naman ni Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Representative Jude Acidre, inamin na ni FPRRD ang responsibilidad sa pagkamatay ng libu-libong katao sa ilalim ng war on drugs kaya dapat tiyakin na ito ay makukulong.

Para kay House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Representative Jay Khonghun, ang pag-amin ni Duterte ay pagkakataon para pagtibayin natin ang mahigpit na pagpapatupad at pananagutan sa batas.

Diin naman ni House Assistant Majority Leader Mika Suansing na kinatawan ng Nueva Ecija, napakahalaga ng papel ng mga institusyon sa ating gobyerno, para itaguyod ang katarungan tulad sa mga naging biktima ng EJK sa ilalim ng drug war.

Facebook Comments