
Iginiit ni House Deputy Speaker at Antipolo 1st District Rep. Ronaldo Puno na walang papel ang mga kongresista sa proseso ng pagpapatayo ng mga school buildings.
Tugon ito ni Puno sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na pinaghahati-hatian umano ng mga miyembro ng House of Representatives ang school building funds ng Department of Education (DepEd).
“Malinaw ang procedure sa classrooms. Kailangan nandiyan ka sa listahan ng DepEd. Kailangan na-identify ka sa place that really needs classrooms more than the other places. Tapos na-identify na ‘yun… pupunta sa DPWH, siya ang magco-construct.” Saad ni Puno.
Paliwanag ni Puno, hindi nakapagdidikta ng alokasyon ang mga kongresista dahil ang konstruksyon ng silid-aralan ay tinutukoy at dapat nasa listahan ng nationwide priorities ng DepEd na ipinapatupad naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Wala kaming nabibigay na suggestions on national projects. For example, national highway, national buildings, ala kaming karapatan gumawan doon… So doon naman sa DepEd, wala naman kapasidad din ang congressman mag-initiate except pag kinonsulta sila ng DepEd.” Dagdag ni Puno.
Ayon kay Puno, ang DPWH ang nangangasiwa sa national priorities tulad ng kalsada, tulay at iba pang pampublikong imprastraktura.
Binigyang-diin ni Puno na ang responsibilidad ng Kongreso ay tiyaking mahigpit na nababantayan na tama ang paggastos sa bawat pisong nakapaloob sa budget.









